PAMANA NG PAMBANSANG WATAWAT, IPINAGDIWANG SA PAMAHALAANG PANLALAWIGAN NG LA UNION

By: Joy Ann L. Gurtiza, GPC-LUPTO | Photos By: Ryan Marlo “Mico” Salamanca, LUPTO | Date: May 28, 2024


Ipinagdiwang ng Pamahalaang Panlalawigan ng La Union ang Pambansang Araw ng Watawat umaga ng Mayo 28, 2024, sa pamamagitan ng isang seremonyal na pagtataas ng mga watawat sa kapitolyo na dinaluhan ng mga empleyado.

Sa ngalan ni Gov. Raphaelle Veronica “Rafy” Ortega-David, pinangunahan nina Vice Governor Mario Eduardo C. Ortega, Sangguniang Panlalawigan Member Hon. Pablo C. Ortega, at mga pinuno ng iba't ibang opisina ng pamahalaang panlalawigan at mga district hospital sa probinsya ang matagumpay na seremonyal na aktibidad na simbolo ng kalayaan, pagkakaisa, at pagmamahal ng mga kaPROBINSYAnihan sa bayan.

Ang selebrasyon ng Pambansang Araw ng Watawat sa Pilipinas tuwing Mayo 28 ng bawat taon ay nakasaad sa Proclamation No. 374 na nilagdaan ni Pangulong Diosdado Macapagal. Ang nasabing proklamasyon ay kumikilala sa unang pagkakataon na itinaas ang watawat matapos ang tagumpay ng mga pwersang Pilipino laban sa mga Espanyol sa Battle of Alapan sa Cavite noong 1898.

Kasunod nito ay ang Kautusang Tagapagpaganap Bilang 179 ni Pangulong Fidel V. Ramos na nananawagan sa bawat Pilipino na hayagang iwagayway ang Pambansang Watawat sa lahat ng mga gusali, establisyimento, at tahanan mula Mayo 28 hanggang Hunyo 12 upang sama-samang pagnilayan ang kahalagahan ng Pambansang Watawat at ng ating tinatamasang kalayaan.

Sa kabila ng mga hamon at pagsubok na kinakaharap ng bansa, ang Pamahalaang Panlalawigan ng La Union ay kaisa ng buong Pilipinas sa pagdiriwang ng makasaysayang araw na ito upang ipakita ang diwa ng pagiging Pilipino at pagkakaisa ng mga kaPROBINSYAnihan. Sa pamamagitan ng #LaUnionPROBINSYAnihan, ang probinsya ng La Union ay patuloy sa pagpapakita ng pagmamahal hindi lamang sa probinsya, kundi sa buong bansa at sa bawat isa.

Related Photos: