International Stevie Awards Pinarangalan ang Pamumuno ni Gov. Rafy Ortega-David

By: Camille R. Bumatay, PIO | Photos By: PIO | Date: October 2024


“Never have I imagined that during my first term as the youngest and first female elected Governor of our province would I receive such a prestigious international award. This only proves that age and gender would never be a hindrance but rather it serves as my building blocks towards more accomplishments,” pagbabahagi ni Gov. Raphaelle Veronica “Rafy” Ortega-David sa kanyang acceptance speech nang tanggapin niya ang kanyang kauna-unahang international award bilang Bronze Awardee ng Thought Leader of the Year for Government or Non-Profit ng 21st Annual International Business Awards o mas kilala bilang Stevie Awards.

Ayon sa gobernadora, inaalay niya ang parangal sa Provincial Government at sa mga KaPROBINSYAnihan sa La Union. Patunay ng kanyang kapasidad sa pamumuno at bunga ng mga bagong ideya ng gobernador na hindi pa nagagawa ng ibang mga lokal na pamahalaan, ang Thought Leader of the Year ay iginagawad sa mga natatanging lider na nagpapakilala ng mga bagong programa, proyekto, at aktibidad na may malaking ambag sa pagpapaunlad ng isang lugar at mga kalagayan ng mamamayan. Ito rin ay pagpapatunay ng pagsasabuhay ng kanyang adbokasiya para sa kabataan at kababaihan na patuloy niyang inaangat sa kabila ng mga hamon sa kanilang kakayahan.

Matapos ang mapanuring pagsisiyasat ng mga hurado sa higit 12,000 na nominasyon para sa iba’t ibang kategorya mula sa buong mundo, naging kalamangan ni Gov. Rafy ang mga ipinakilalang polisiya at programa kabilang na ang Executive Order No. 25, s.2022 o ang Menstrual Privilege para sa mga kababaihang empleyado ng Provincial Government of La Union.

Si Gov. Rafy rin ay nakilala bilang kauna-unahang Gobernador ng Probinsya na nakabisita sa ilan sa pinakamalalayong barangay ng La Union tulad ng Brgy. Bayabas sa San Gabriel at Brgy. Sapdaan sa Santol. Ang klase ng pamumuno ng gobernadora ay ipinagmalaki rin sa iba’t ibang pagkakataong naimbitahan siyang maging resource speaker sa mga national at international na pagtitipon katulad ng sa Geneva, Switzerland at South Korea.

Si Gov. Rafy rin ang nagsimula ng taunang Paskuhang Bayan na nagbibigay ng noche buena package at iba pang regalo sa mga KaPROBINSYAnihan. Lahat ng kanyang isinasagawa bilang lider ay kumikilala rin sa pagkakaisa ng mga mamamayan sa ilalim ng tawag ng La Union PROBINSYAnihan.

Sa pagtanggap niya sa Stevie Awards, nangangahulugan ito na sa kabila ng kanyang edad at kasarian ay itinuturing si Gov. Rafy na eksperto sa pamamahala sa kanyang nasasakupan at nagsisilbing inspirasyon sa ibang mga lider. Ito rin ay kumikilala hindi lamang sa kanyang mga ideya kundi sa maayos na implementasyon ng mga ito.

Maaalalang naituring din na isa sa mga Top 4 si Gov. Rafy sa 2024 2nd quarter “Boses ng Bayan” survey ng RP-Mission and Development Foundation Inc. para sa mga Top-Performing na Gobernador sa Pilipinas, patunay sa kaniyang tuloy-tuloy na puso at serbisyo para sa lahat ng KaPROBINSYAnihan.

Related Photos: