Higit 9M Ibinihagi ng PGLU para sa mga Nasunugan sa CSF Auxiliary Wet Market
By: Camille R. Bumatay, PIO | Photos By: Wendell Tangalin, Rizalde Buenaventura, Jahp Pulido, and Mark Jansen Ballesteros, PIO | Date: March 21, 2024
Naglaan ng P9,030,000 na pondo ang Provincial Government of La Union (PGLU) bilang direktang tulong sa mga biktima ng sunog sa City of San Fernando Auxiliary Wet Market, ito ay ayon sa derektiba ni Gov. Raphaelle Veronica “Rafy” Ortega-David upang matulungan sa muling pagbangon ang mga biktima. Naganap ang distribusyon para sa 903 na biktima ng sunog ngayong araw, Marso 21, 2024 sa La Union Convention Center (LUCC), Sevilla, City of San Fernando, La Union kung saan ang bawat isang benepisyaryo ay nakatanggap ng P10,000 sa bisa ng Provincial Appropriation Ordinance No. 001-2024, samantalang nagmula naman ang 903 na benepisyaryo sa isinumiteng beripikadong mga pangalan ng City Government of San Fernando.
Sa kanyang mensahe, inalala ni Gov. Rafy ang mga naunang aksyon na ginawa ng PGLU sa mga biktima noong Enero, at sinabing, “Keep holding on to faith, keep holding on to hope, and keep holding on to love kasi nandito lang kami na handang tumulong sa inyo. True enough, this is a testament that we in the PGLU in collaboration with the City Government is able to provide 10,000 pesos financial assistance para bawat isa sa inyo…hindi po tayo titigil dito…hanggang maging 100% na makabangon ang buong market po natin sa CIty of San Fernando.”
Inanunsyo rin ni Gov. Rafy na upang masigurong maiuuwi ng mga benepisyaryo nang buo ang natanggap na financial assistance ay sa mismong LUCC na nila mai-encash ang mga chekeng matatanggap sa tulong ng mga bank representatives, habang nakaabang na rin ang mga shuttle na maghahatid sa kanila pabalik sa City Plaza o sa palangke.
Ang distribusyon ng financial assistance sa mga biktima ng sunog ay simbolo na sa kabila ng makulay at masayang selebrasyon ng La Union Founding Anniversary ay hindi nakalimutan ng PGLU ang mga KaPROBINSYAnihang patuloy na bumabangon matapos ang trahedya. Ito rin ay naitaon sa pagdiriwang ng 26th Cityhood Anniversary ng San Fernando.
Ipinaabot naman ni City Vice Mayor Alfredo Pablo Ortega ang pasasalamat sa ngalan ng buong siyudad sa PGLU at kay Gov. Rafy sa tulong na ibinahagi sa mga kababayang naapektohan ng sunog at sinabing, “Ang puso ng siyudad ay wala sa gusali, ang puso ng siyudad ay nasa inyong mga mamamayan. Kayo ang bumubuo ng Siyudad ng San Fernando.” Kanyang binigyang diin ang patuloy ang pakikipagtulungan sa PGLU ng City Government of San Fernando.
Inalala naman ni Vice Gov. Mario Eduardo C. Ortega na ang nasunog na palengke ay ang Economic Heart of the City na unang naitayo sa administrasyon ng dating City Mayor Manoling Ortega. Kanyang sinuguro ang pagkakaisa ng mga opisyal ng La Union para sa muli nitong pagpapatayo.
Nakidalo rin sa aktibidad sina Sangguniang Panlalawigan Members Gerard Ostrea at Jennifer Mosuela-Fernandez; Provincial Administrator Francisco Emmanuel “Pacoy” R. Ortega III; at City Councilors Kyle Marie Eufrosito Nisce at Jonathan Justo "Jay-Jay" Orros.
Labis naman ang pasasalamat ng mga KaPROBINSYAnihang nakatanggap ng tulong kay Gov. Rafy, sa PGLU, at sa City Government. Ang PGLU ay patuloy na nakikipag-La Union PROBINSYAnihan sa City Government of San Fernando para sa planong pagpapatayo ng bagong Auxiliary Wet Market at sa patuloy na pagtulong sa mga biktima. Patuloy namang sinisiguro ni Gov. Rafy na ang provincial government ay tuloy tuloy sa pagdadala ng serbisyo ng PGLU papalapit sa bawat KaPROBINSYAnihan.
Related Photos: