#CarinaPH Clearing, Relief Operations, ipinagpatuloy ng PGLU para sa tuloy-tuloy na Pagbangon

By: Marie Jae Anndre Fronda, PIO | Photos By: Christian Rebultan, PIO and Rowell B. Timoteo, LEEIPU | Date: July 25, 2024


Bagamat lumabas na sa Philippine Area of Responsibility ang bagyong Carina noong huwebes, Hulyo 25, 2024, ipinagpapatuloy pa rin ng Provincial Government of La Union (PGLU), sa pangunguna ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council - Response Cluster at sa tulong ng mga Local Government Units (LGU) ng City of San Fernando, Naguilian, San Juan, Luna, Bangar, at Aringay, ang clearing at relief operations sa lalawigan ngayong linggo, Hulyo 25-28, 2024, upang tulungan makabangon ang mga residente sa hagupit ng bagyo.

Ayon sa direktiba ni Gov. Raphaelle Veronica “Rafy” Ortega-David, nagtungo ang clearing team sa Cabarsican-Masicong road; Lower Bimotubot, Naguilian; Pagdildilan, San Juan; at munisipalidad ng Luna, Bangar, at Caba upang malinis ang mga lupang gumuho at batong nakaharang sa kalsada dulot ng baha at lakas ng ulan. Nagdala rin sila ng mga heavy machineries tulad ng backhoe loader at dump truck, upang mapabilis ang paghahakot at paglilinis ng mga ito.

Kasali ang mga kalsadang ito sa naitalang ‘unpassable’ o hindi madaanan nito lamang Martes, Hulyo 23, 2024. Naging delikado ito para sa mga KaPROBINSYAnihan kung kaya’t minabuti ng PGLU na agad itong aksyunan.

Samantala, nagbigay rin ang PGLU at Department of Social Welfare and Development Region 1 ng relief packs na may lamang pagkain gaya ng bigas, delata, at kape, pati na rin ang iba pang pangangailangan gaya ng kumot, damit, at tsinelas para sa mga pamilyang nasalanta sa City of San Fernando, Aringay, San Juan, Luna, Bangar, at Naguilian. Umabot sa halos 5,000 ang mga KaPROBINSYAnihang nabigyan at lubos na nagpasalamat para sa tulong na handog ngayong panahon ng trahedya mula sa nagtutulungang mga ahensya ng gobyerno.

Dahil sa pagla-La Union PROBINSYAnihan ng PGLU, LGUs, Emergency Frontline Providers, at volunteers, mabilis na nalinis ang mga kalsada at nadistribute ang mga relief packs. Maaalalang nagsagawa na ng mga clearing at relief operations ang PGLU simula pa noong Hulyo 23, 2024 sa mga lugar na lubos na naapektuhan ng bagyo.

“Nagmomonitor pa rin po tayo ng kalagyan ng mga towns po natin… sa mga nabahaan po, sabihan niyo lamang po kami sa PGLU… tuloy pa rin po ang mga clearing, rescue, at relief operations po natin,” ayon kay Gov. Rafy ukol sa maagap na pagkilos ng PGLU para tulungang makabangon ang bawat KaPROBINSYAnihan.

Related Photos: