Higit P7.5 Milyon Tulong Pinansyal mula sa PGLU ibinahagi sa 843 KaPROBINSYAnihan

By: Geraldine B. Salazar-Lucero, PIO | Photos By: Rizalde Buenaventura and Wendell Tangalin, PIO | Date: March 14, 2025


Masayang umuwi ang 843 na mga kaPROBINSYAnihan matapos matanggap ang tulong pinansyal para sa medical at burial assistances mula sa Provincial Government of La Union (PGLU), ngayong araw, March 14, 2025. Umabot sa P7,567,000.00 ang naipamahaging assistance ngayong araw na bahagi ng unang batch ng mga benepisyaryo kung saan P9,326,000.00 ang inilaan para sa 1,029 na total recipients.

Pinangunahan ni Gov. Raphaelle Veronica “Rafy” Ortega-David ang pamamahagi ng tulong pinansyal na ginanap sa La Union Conversion Center, Brgy. Sevilla, City of San Fernando, La Union. Ang mga nakatanggap ng tulong ay mga nagproseso ng financial assistance requests para Medical assistance na pangdialysis, chemotherapy, operasyon, maintenence, at iba pang gamot. Gayundin ang mga nagrequest ng burial assistance.

Nagkataon namang idinaos ang pamamahagi sa mismong kaarawan ni Gov. Rafy, na itinuring niyang isang katuparan ng kanyang birthday wish. Sa kanyang mensahe, humingi siya ng paumanhin sa tagal ng proseso ngunit ipinahayag ang kanyang tuwa na sa wakas ay maibibigay na ang mga tulong pinansyal.

"Ang masasabi ko lang po talaga, sa wakas...finally, apo, maibibigay na po namin ang karapat dapat na matatanggap ng bawat isa sa inyo na financial assistance mula sa Provincial Government of La Union. My birthday wish is already granted, at iyon po ay ang mapasaya ang bawat isa sa inyo. Ipagpapatuloy ko po na ipaglalaban ang karapat dapat na para sa bawat isa sa inyo at para sa probinsya ng La Union," pahayag ni Gov. Rafy.

Binanggit din ni Gov. Rafy na may mga susunod pang pamamahagi ng parehong tulong sa mga nakapag sumite ng aplikasyon noong nakaraang taon, at sisikapin ng PGLU na gawin ito sa lalong madaling panahon.

Ang mga kasama naman sa unang batch ng benepisyaryo na hindi nakapunta ngayong araw ay matatanggap ang kanilang financial assistances sa mga susunod na araw sa kapitolyo.

Bilang bahagi ng serbisyo ng PGLU, nagbigay rin ng libreng shuttle service para sa mga benepisyaryo upang matiyak ang kanilang ligtas na pag-uwi matapos matanggap ang tulong.

Ang pamamahagi ng medical at burial assistance ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng ni Gov. Rafy at ng PGLU na tiyaking ang bawat kaPROBINSYAnihan ay nakatatanggap ng nararapat at agarang suporta, lalo na sa panahon ng pangangailangan.

Related Photos: